Mabilis na kumalat ang balita na pinugutan na ng Abu Sayyaf ang Canadian hostage na si Robert Hall makaraang mabigong mabayad ng P300M ransom sa itinakdang deadline kahapon ng alas-tres ng hapon sa Sulu.
Gayunman, habang sinusulat ang balitang ito ay walang kumpirmasyon mula sa militar kung totoo ang nasabing balita.
Sa kasalukuyan ay tuloy ang operasyon ng militar laban sa Sayyaf matapos na mapabalitang pinatay na nga ng rebeldeng grupo si Hall .
Sinabi ni Col. Noel Detoyato, isang military spokesman, patuloy ang kanilang beripikasyon sa nasabing ulat matapos na lumagpas sa 3 p.m. deadline ng Abu Sayyaf kahapon ang pagpapalaya sa hostage.
Naunang nagbabala ang Abu Sayyaf na papatayin nito ang isang bihag kung hindi nila makukuha ang P300 milyon ransom na hinihingi sa Canada o kung maglulunsad ng operasyon ang militar upang iligtas ang mga hostages.
“If nobody will contact us to arrange our ransom demand or the military conducts an operation, air strikes or artillery attacks or any violations against us, we will hurt and torture the hostages, Inshallah,” ayon pa sa pahayag ng Abu Sayyaf.
Nitong Abril ay pinugutan rin ng Abu Sayyaf si Canadian John Ridsdel, 68, sa Sulu matapos na mabigo ang pamilya nitong magbayad ng ransom.
Dinukot sina Ridsdel at Hall, kasama ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, 56, at Pinay girlfriend nitong si Maritess Flor.
Walang inilabas na anumang impormasyon ang Western Mindanao Command sa ilalim ni General Mayoralgo dela Cruz ukol sa operasyon laban sa Abu Sayyaf.
Panoorin ang video:
Source: Facebook